Plant Pathogens, Abaka, at Ang Mga Pilipinong Siyentista: Ang Institusyonal na Kasaysayan ng Patolohiya ng Halaman Sa Industriya ng Pag-Aabaka sa Pilipinas, 1911-1940s
Keywords:
Patolohiya ng halaman, abaka, Pilipinong siyentista, scientific agriculture, plant pathogensAbstract
Itinuring ng Estados Unidos ang industriya ng pag-aabaka sa Pilipinas bilang isa sa mga pinakamahahalagang industriyang dapat lapatan ng mga repormang pang-agraryo noong ika-20 dantaon. Ang mga pagbabagong agrikultural na ito ay may layuning mapakinabangan nang lubos ang kakayahan ng mga hibla ng abaka dahil sa malaking kita at walang katulad nitong kalidad sa pandaigdigang merkado. Ang paglapat ng mga disiplina mula sa agham katulad ng patolohiya ng halaman ay itinuring bilang mahalagang hakbang ng mga kolonisador upang maproteksyunan ang mga puno ng abaka mula sa pananalasa ng mga patoheno ng halaman. Mula sa kontekstong ito, hangarin ng pananaliksik na maisanaratibo ang mga mahahalagang yugto sa institusyonalisasyon ng patolohiya ng halaman sa industriya ng pag-aabaka mula noong 1911 hanggang 1940s. Susuriin ang naging gampanin ng Bureau of Agriculture, Division of Plant Pathology, at UP College of Agriculture sa pagpapakilala at paglapat ng mga pagbabagong patolohikal sa sistema ng pagtatanim at pangangalaga sa puno ng abaka sa Pilipinas. Susuriin din ang naging ambag ng mga Pilipinong siyentista sa proyektong ito upang maunawaan ang kanilang naging gampanin sa lokalisasyon ng mga kaalamang patolohikal batay sa pangangailangan ng industriyang abaka noong mga panahong iyon.
Ang mabubuong naratibo hinggil sa yugtong ito sa kasaysayan ng Pilipinas ay makatutulong upang maunawaan ang naging ugnayan ng kolonyalismo, agham, at mga Pilipinong siyentista sa pagpapatupad ng mga pagbabago hinggil sa pagtingin at pamamahala sa epekto ng mga patoheno ng halaman sa industriya ng abaka. Ang ganitong uri ng mga paksa sa kasaysayang pang-agham, agrikultural, at pangkalikasan ay hindi pa nabibigyang-pansin sa kasaysayang Pilipino noong unang mga dekada ng ika-20 dantaon na makatutulong na mas mapaglalim pa ang pag-unawa sa epekto ng kolonyalismong Amerikano sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas.
Downloads
Published
How to Cite
Issue
Section
License
Copyright (c) 2025 TALA: An Online Journal of History

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial 4.0 International License.